.

Friday, June 20, 2014

Ang balangkas ay isang naksulat na plano ng mahahalagang bahagi ng isang sulatin na nakaayos ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga ito. Mahalagang bahagi lamang ang nakapaloob dito upang magsilbing patnubay sa gagamitin ukol sa magiging nilalaman ng isang sulatin.
Mahalaga ang paggawa ng balangkas sa paghahanda ng ulat o anumang sulatin katulad ng pag-uulat, pananaliksik, at pagsasaayos ng mga impormasyon. Matapos makuha ang mga impormasyong kailangan sa iyong ulat ang susunod mong iisipini ay kung alin sa maraming impormasyon mong nakuha ang iyong isasama sa ulat. Sa bahaging ito, mahalaga ang paghahanda ng isang balangkas.

Mga Uri ng Balangkas

Pamaksang Balangkas (topic outline)

Ito ay binubuo ng salita o parirala lamang dahil matipid ito sa pananalita o pahayag. Madalas ginagamitan ito ng mga pangngalang-diwa (gumagamit ng panlaping makangalan na pag.

Pangungusap na Balangkas (sentence outline)

Ito ay binubuo ng mga buong pangungusap na naglalaman ng pangunahing ideya at maynor na ideya.
Patalatang Balangkas (paragraph outline)

Ito ay binubuo ng mga pangungusap na naglalahad ng nilalaman ng buong mga talata ng sulatin.

Mga Dapat Isaalang-alang sa Paggawa ng Balangkas

      ·         Basahin muna nang pahapyaw ang isang tekto bago magtala ng mga paksa o detalye.
·         Suriin ang pagkakaayos ng mga ideya sa binasang teksto. Ito ba ay nasa ayos na kronolohikal,  mula sa simple patungo sa kumplikadong mga ideya, sanhi at bunga, malawak na paksa patungo sa mga tiyak na ideya, mga tiyak na ideya patungo sa malawak na paksa o lohikal na ayos at iba pa.
·         Pag-aralan kung ano-ano ang mahahalaga o pangunahing ideya at ang mga pantulong na ideya.
·         Tiyakin kung anong uri ng balangkas ang angkop na gamitin sa paksa.
·         Sundin ang halimbawa ng pormat ng balangkas na nakalarawan sa teksto.
·         Gumamit ng wastong bantas.
·         Tandaan na ang balangkas ay maaaring baguhin o palitan kung kinakailangan.

Mga Tuntunin sa Pagsulat ng Balangkas

1.       Piliin ang mga pangunahing paksa. Gamitin ang bilang Romano tulad ng I, II, III, o IV. Ayusin ang mga bilang nang magkakapantay.
2.       Isulat ang maliliit na paksa tungkol sa pangunahing paksa. Gamitin ang malalaking titik tulad ng A, B, C, o D. Lagyan ng tuldok ang malaking titik at isulat nang may kaunting pasok ang maliit na paksa.
3.       Para sa mga detalye ng bawat maliit na paksa, gamitin ang mga bilang na 1,2,3,4 at iba pa.
4.       Gamitin ang malaking titik sa simula ng pangunahing paksa, maliliit na paksa at mga detalye.

Mga Pormat sa Pagbabalangkas




Ang bawat disiplinang pang-akademiya ay may kanya-kanyang panimulang estilo at nilalaman. Ang isang takdang sulatin ay may iba’t ibang kailangan sa bawat kurso ng pag-aaral. Bawat propesor ay may kanya-kanya ring ispesikasyon at preperensya sa kung paano ang pagsulat na kailangang ikunsidera. Ang ganitong sitwasyon ay di naiiba sa mga propesyonal kung saan ang isang empleyado ay kailangang isaisip kung ano ang kagustuhan ng mga kapwa empleyado, pinuno ng laboratori o ng manedyer ng opisina sa pagsasagawa ng kanyang takdang gawain.

1.       Pagsulat ng Report o Ulat

Ito’y paglalahad ng mga paktwal na impormasyon o katotohanan: kung anong nasaksihan, narinig, nabasa, naranasan, o natuklasan at napag-alaman.

Ang pag-uulat ay karaniwang nasusulat sapagkat ito ay palagiang tala at napagkukunan ng madaliang impormasyon. Ito ay bunga ng isinasagawang pagsasaliksik, pagsusuri, pag-aaral, pagbabasa, pagmamasid, pakikinig at pagsubok. Upang makatotohanan ang isang report o ulat, kailangan dito ang masusing pag-aaral, mabisang pagtataya at pagkilala sa mga nakuhang tala at paggamit ng mga angkop na salita.

Layunin nitong makapagbigay ng mga mahahalagang impormasyon at mga karampatang hakbang sa mga kaugnay na gawain. Nagagawa ang pagrereport sa iba’t ibang disiplina o larangan.

Iminungkahi nina Hernandez, et al., (1989) ang mga patnubay sa paghahanda ng report upang maging kasiya-siya at kawili-wili ito:

-          Pumili ng mahalaga at nababagong paksang tatawag sa pananabik ng mambabasa.
-          Takdaan ang saklaw ng paksang tatalakayin. Huwag gawing napakahaba o napakalawak ng saklaw ng gagawing report.
-          Magsaliksik at mangalap ng impormasyon. Magagamit dito ang natutuhan sa mga naunang aralin.
-          Pagpasiyahan kung aling kaalaman ang isasama.
-          Balangkasin ang paraan ng pagkakaayos ng mga kaalaman. Pagsama-samahin ang mga bagay-bagay na nais mong tukuyin sa isang paraang madali kang mauunawaan ng bumabasa.
-          Gumamit ng panimulang aakit ng interes ng babasa at makabuluhang pangwakas na pangungusap o talata.
-          Iwasto ang ulat. Maaari itong bawasan o dagdagan kung kailangan.

Mga Uri ng Ulat

A.      Ulat ng Pananaliksik

Ito ay kinapapalooban ng mga natuklasan sa tulong ng riserts at eksperimentasyon. Madalas itong gamitin sa mga disiplinang agham at edukasyon.

B.      Ulat Tekniko

Maliban sa mga pangkaraniwang pinag-aaralan o sinusuri, ang mga bahaging teknikal ay kailangan ding mabigyang linaw at maipaliwanag. Kabilang dito ang teknikalidad sa larangan ng brodkasting, pelikula, radyo, at information technology.

C.      Ulat sa Panayam o Pagbasa

Kilala rin ito bilang reaksyong papel. Dito ipinapahayag ang mga puna, komento at mungkahi ukol sa narinig o nabasa.

2.       Ang Reaksyong Papel o Panunuring Papel

Ang reaksyong papel o panunuring papel ay tumutukoy sa paglalahad ng makatarungan, patas o balanseng paghuhusga o assessment sa mga sitwasyong may kinalaman sa mga tao, bagay, pook at mga pangyayari. Sumasaklaw rin ito sa matalinong pagtataya sa kalidad, kakayahan, pamamaraan, katotohanan at kagandahan ng obra maestra. Isang halimbawa ay ang pagbibigay ng reaksyon ng mga tao sa mga pangyayaring pampolitikal, pang-ekonomikal o pansosyal. Puwede ring ipahayag ang reaksyon o puna sa panood ng pelikula, dula, konsyerto o ipinintang disenyo o larawan.

Ang rebyu o panunuri naman ay isang paraang nagpapahalaga, nagtitimbang at nagpapasiya sa isang akda o likhang sining. Layunin nitong hanapin ang kabutihan at katotohanan para bigyang-pansin ang kahalagahan at kariktan; at hanapin ang kahinaan ng akda o pagtatanghal upang ito’y mapapabuti. Ito ay hindi pamimintas na halos walang makitang mabuti sa bagay na sinusuri. Tumutukoy ito, hindi lamang sa kakulangan kundi sa mabubuting bagay na isinasaalang-alang. Ito’y sinusulat hindi upang magbigay ng papuri o manira bagkus ay upang timbangin ang kahinaan at kagalingan at pagkatapos ay magbigay ng angkop na pagpapahalaga at pagpapasiya sa isang aklat o pagtatanghal at iba pang akdang pampanitikan.

Sa pagrerebyu o panunuri kailangang gagamitin ito ng malawak, matapat at balanseng paglalahad ng kuro-kuro o palagay; at nilalapatan ng matatag, angkop, malinaw, tiyak at walang kinikilingang pagpapasya. Kaya bilang manunuri, kailangang may malawak na kaalaman at karanasan hinggil sa sining na sinusuri bukod sa kakayahang magsuri (Abad, 2003).

Mga Uri ng Rebyu o Panunuri

A.      Rebyung Pansining

Ito ay pagpapahalaga sa mga likhang-sining tulad ng eskultura, pagpipinta, atb.

B.      Rebyung Pampanitikan

Ito ay pagpapahalaga sa pagsulat na gawain tulad ng mga aklat, pananaliksik, pag-aaral at akdang pampanitikan (tula, sanaysay, maikling kuwento, nobela at iba pa). Ito rin ay tinatawag na suring-basa.

Mga Pamantayan sa Pagsusuri

Narito ang ilang panuntunan sa pagsasagawa ng pagsusuri o pamumuna batay sa iba’t ibang uri ng panitikan, gaya ng maikling kuwento, tula, at dulang pantanghalan, programang pantelebisyon at pelikula (Aguilar at Cruz, 2000).

A.      KUWENTO
·         Anong panauhan, kalagayan, o kaanyuan mayroon ito?
·         Mahalagang papel ba ang ginagampanan ng pangunahing tauhan?Kumakatawan ba siya sa isang tunay na taong may suliraning dapat harapin?
·         Makatotohanan ba ang mga pangyayari? Anong damdamin mayroon ito?
·         Maayos ay malinaw ba ang pagbabalangkas ng mga pangyayari?
·         Mabisa bang napalulutang ang mahalagang aral na nais ipahiwatig ng may-akda?
·         Mabisa, malinaw at angkop ba ang mga salita o kilos ng mga tauhan?

B.      TULA
1.       Ano-anong simbolo o sagisag ang ginamit ng may-akda upang maging lutang ang damdamin at kaisipan nito?
2.       Gumamit ba ang may-akda ng mga matalinghagang pahayag o mga tayutay?
3.       Anong uri ng tula ang binasa?
4.       Anong estruktura o anyo ang ginamit sa pagpapahayag ng diwa nito?
5.       May dala bang mahalagang isyu ang tula?
6.       Anong layunin ang nais ihatid ng may-akda sa mambabasa? Bakit kaya niya ito isinulat? Ano-ano ang nais niyang bigyang-buhay?

C.      DULANG PANTANGHALAN

1.       Batay sa mga Katangian
a.       Matatagpuan ba rito ang mga kinakailangang elemento ng uri o estilo nito?
b.      May kaganyakang unibersal kaya ito?
c.       May kakanyahan ba at makabago ang estilo?
d.      Malinaw ba ang pagkakabuo ng mga pangyayari tungo sa kasukdulan (climax)?
e.      Makatotohanan at malinaw ba ang paglalaarawang-tauhan na gumigising sa damdamin ng mga manonood?
f.        Mahusay at makatotohanan ba ang dayalogo o usapan?
g.       May kaisahang bisa ba na nagbibigay ng interes sa pamamagitan ng pag-iiba-ba?
h.      Nagpapahiwatig ba ng katimpian?
i.         May pagkakatimbang-timbang ba ng bugso ng damdamin?

2.       Batay sa Pagganap (Acting)
a.       Kapani-paniwala ba ang bawat pagganap ng mga tauhan?
b.      Nababagay sa tauhan ang mga katangian ng interpretasyon at pagsasalita (projection)? Natatamo ba sa pagpapahayag ng linya at “cue pick-up” ang tamang tempo at ritmo?
c.       Ang kilos, senyas at galaw ba ay nakagaganyak, malinaw, may pagkakaiba-iba at naaangkop?
d.      Kasiya-siya ba ang masining na pamamaraan ng pagganap?
e.      Ang kapangyarihan at damdamin ng  tauhan ay kapwa ba magkatugma? Makatotohanan ba ang reaksyon o pagtugon? Ang himig (mood) ba ay napanatili? Ang kasukdulan ba ay natamo?
f.        Naitatag ba ang tamang ugnayan sa lahat ng tauhan? Mayroon bang pagtutulungan?
g.       Ang mga tauhan ba ay nakapagpahayag sa pamamagitan ng oral at biswal sa mga manonood? Sila ba ay malinaw, mapagtimpi, nakagaganyak, at matipid sa pagpapahayag?

3.       Ayon sa Awtor
a.       Ang lahat ba ng aspekto ng pagkakaisa ay tunay sa naging layunin ng awtor?
b.      Ang kabuuan ba ng tanghalan ay naging epektibo sa empasis, pagkakatugma, at pagkakaiba-iba?
c.       Ang ritmo at tempo ba ay nagdulot ng tamang himig na angkop sa kasukdulan at tamang eksena at yugto?
d.      May tama bang pagkakatimbang ang damdamin at panlasa sa kagandahan o sining?

4.       Batay sa Pagtatanghal
a.       Ang mga ilaw ba ay nakapagtatag ng tamang panoorin, empasis, at himig?
b.      Angkop ba ang tagpuan o tanawin?
c.       Ang costume at make-up ba ay may pagkakaayon sa tauhan, panahon, himig, at estilo?
d.      Naging epektibo ba ang musika, tunog, kurtina, atbp? Naging mabilis at matahimik ba ang pagpapalit ng eksena?

1.       Ayon sa Reaksyon ng mga Manonood
a.       May reaksyon ba mula sa mga manonood?
b.      Patuloy bang nagpapakita ang damdamin sa layunin ng dula ang mga manonood- tumatawa at umiiyak ba sa tamang oras?
c.       Naging mabisa ba ang dramatikong eksena dahil sa magagandang salitaan o pahayag?
d.      Taos ba sa puso ng mga manonood ang patuloy na palakpakan?
e.      Pinag-uusapan o tinatalakay ba ang dula sa intermisyon at pagkatapos ng dula?

D.      PROGRAMANG PANTELEBISYON

1.       Kung ang susuriin ay programang pantelebisyon, mahalagang maitala ang sumusunod:
-          Estasyon
-          Oras ng programa
-          Mga tagapagsalita / ispiker

2.       Suriin ang programa ayon sa:
-          Pormat (mga bahagi)
-          Kabuluhan ng mga pangyayari / takbo ng mga pangyayari
-          Direksyon at kabuuan ng produksyon
-          Mga tagapagsalaysay o tagapagkilala

3.       Suriin at ilahad ang kahinaan (weakness) ng panlabas
4.       Magbigay ng mga suhestiyon o mungkahing pagbabago

Gabay sa Pagsulat ng Rebyung Pantelebisyon

1.       Pagsusuri ng Drama
-          Suriin ang mga aral na natutuhan s palabas batay na rin sa moral na pananaw
-          Suriin ang pagganap ng mga artista na nagbigay-buhay sa drama
-          Suriin ang makatotohanang pagkalahad ng istorya
-          Suriin ang kabuuang produksyon o direksyon

2.       Pagsusuri ng Komedi
-          Isaalang-alang ang pagiging katawa-tawa ng bawat sitwasyon o aktong ipinakikita
-          Isaalang-alang ang katawa-tawang pagganap ng mga tauhan]
-          Isaalang-alang ang kabuuang direksyon

3.       Pagsusuri ng Balitaan, Talakayan (talk show) o Interbyu
-          Bigyang pansin ang pagpapahayag ng balita o interbyu
-          Alalahanin ang kabuluhan ng bawat balita o isyung tinatalakay
-          Bigyang pansin ang gawi ng tagapagbalita
-          Isaalang-alang ang mga aral o leksyong natutunan
-          Alalahanin ang paghihiwalay sa komentaryo at balita
        -       Bigyang pansin ang kabuuang produksyon

Thursday, June 19, 2014

Ang Diborsyo
Maurita M. Reyes at Celia B. Imbat (1994)

Ang diborsyo ay isang paraan ng pagpapawalang-bisa sa kasal. Ito ay itinakda at pinaiiral ng batas-pansibil sa ibang bansa tulad ng Amerika, Britanya at iba pang bansa sa Europa.

Sa Pilipinas, minsan nang nagkaroon ng mainitang pagtatalo kung dapat o hindi dapat gawng legal ang diborsyo sa Pilipinas. Ayon sa pagsasaliksik, 85% ng mga mamamayan sa Pilipinas ang tumututol sa diborsyo samantalang 15% naman ang sumasang-ayon. Napag-alaman pa rin na ang mga sumasang-ayon na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas ay yaong nabibilang sa mayayamang angkan.

Bilang isang panig sa pagtatanggol, tumututol ako na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas. Ang ating bansa ay namumukod-tanging bansa sa Silangan na ang 92% ng mga mamamayan ay Katoliko. Batay sa aral Katoliko-Apostoliko Romano, ang mag-asawang pinagbuklod sa simbahan ay may basbas o bendisyon ng kabanalan.

Dahil dito, ang mag-asawa ay may sinumpaang magsasama sa hirap at ginhawa hanggang sa huling sandal. Sumupa pa rin ang mag-asawa ang siyang magtuturo sa kanilang magiging mga anak na kabanalan upang lumaking may takot sa Diyos.

Kung ang diborsyo ay gagawing legal sa Pilipinas, paano matuturuan ng mga magulang ng mga gawaing kabanalan ang mga anak? Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay magiging masamang halimbawa pa sa mga anak. Ang mabuting pagkakaunawaan ng mga anak ay siyang ugat ng pagkakaroon ng isang maligaya at mapayapang tahanan.

Ayon pa rin sa ating Saligan Batas, tungkulin at pananagutan ng mga magulang na papag-aralin ang kanilang mga anak. Paano maipagkaloob ng mga magulang ang mabuting edukasyon para sa mga anak kung ang pamilya ay “pilay”? Tunay na mahirap tumayo nang matatag ang isang pamilya kung wala ang ilaw ng tahanan o kaya’y ang itinuturing na haligi ng tahanan. Ang puno’t dulo nito, ang mga anak ang naiipit sa nag-uumpugang bato.

Batay pa rin sa kaugaliang minana natin sa ating mga ninuno, hindi ugali ng mga Pilipino ang hiwalayan ang kanyang kabiyak kung ang babae o lalaki ay hindi nagkaroon ng kasiyahan sa mga panahon ng kanilang pagtatalik o kaya naman ay hindi nabigyan ng lalaki ang babae ng kanyang mga pangangailangan sa buhay.

Kaya naniniwala ako na ang diborsyo ay hindi nararapat gawing legal sa Pilipinas upang manatili ang mataas na pagpapahalaga ng mga dayuhan sa ating minanang mga kaugalian at paggalang sa ating kinagisnan… na ang karangalan ay higit na mahalaga kaysa kayamanan.

Ang isang teksto o sulatin ay binubuo ng tatlong pangunahing bahagi: (A) introduksiyon o panimula, (B) gitna o katawan, at (C) wakas o kongklusyon.

A.      Introduksiyon

Ang introduksiyon ang pinakamukha ng sulatin. Kailangan itong maging kaakit-akit upang maganyak ang mambabasang basahin ang buong katha. Ito ay maaaring pangungusap o talata. Ito ay dapat ibagay sa haba ng katha. Ito’y dapat maging malinaw, maintindihan, makaapekto at mabisa dahil maaasahan ang atensyong ibibigay ng mambabasa.

Mahalaga ang pagsisimula sa pagsulat ng makabuluhang komposisyon. Nakasalalay dito ang pagtatagumpay ng isang sumusulat ng komposisyon na maakay ang kanyang mambabasa upang tuluyang basahin ang akda. Ang haba ay ibagay sa haba ng komposisyon. Kung maikli lamang ang komposisyon, ang isang talataan o maging isang pangungusap ay sapat nang introduksiyon.

Mga Paraan ng Pagsisimula

Binanggit nina Arrogante (2000); Leyson at Montera (2005) na maraming paraan ang maaaring gamitin sa pagsisimula ng sulatin. Narito ang ilang mungkahing paraan sa pagbuo ng introduksiyon ng sulatin o komposisyon:

Mga Paraan

1.       Pasaklaw na Pahayag

Ang resulta o kinalabasan muna ang sinasabi bago isa-isahin at pagsunud-sunurin mula sa di gaanong mahalaga hanggang sa pinakamahalagang mga detalye. Ito’t karaniwang makikita sa araw-araw na pahayagan.

Halimbawa:

Tatlo-katao kabilang na ang isang kagawad ng pulisya ang dinakip ng mga awtoridad makaraang ireklamo ng walumpung sibilyan sa kasong illegal recruitment sa isinagawang entrapment kamakalawa sa Antipolo City.

-Pilipino Star Ngayon
Nobyembre 14, 2004

2.       Pagbubuod

Ito’y nagpapahayag muna ng pinakadiwa bago tuntunin ang sadyang talakay.

Halimbawa:

Ang stroke at heart attack ang nangungunang killer ng tao sa buong mundo…..

-Pilipino Star Ngayon
Nobyembre 14, 2004

3.       Pagtatanong

Patanong ang ginagamit na paraan ng manunulat.

Halimbawa:

Paano natin mararamdaman ang tagtuyot o epekto ng “El NiƱo” sa gitna ng malamig na simoy ng Nobyembre? Mayroon pa ngang pulu-pulutong na ulan at panakanakang kidlat sa kalangitan.

-People’s Journal Tonight
Nobyembre 14, 2004

4.       Tuwirang Sinasabi

Ito’y  karaniwang nakikita na nakapanipi dahil kuha ito sa mga awtor o bantog na tao.

Halimbawa:

“Ako’y isang taong mapagmahal ngunit ako rin ay may tungkuling gawain at isasagawa ko ito….”

-The Philippine Star
Setyembre 15, 2001

5.       Panlahat na Pahayag

Ito’y nagtataglay ng kahalagahang unibersal na maaaring hanguin sa mga salawikain, sa mga kawikaan at maging sa mga pamilyar at pang-araw-araw na makatotohanang kaalaman ng lahat na nagtataglay ng diwa o aral.

Halimbawa:

Ang ginawang kabutihan ay madaling makalimutan subalit ang nagawang kasalanan ay baon-baon hanggang libingan. Tunghayan ninyo ang kasaysayan ni Carmelita Tagonon ng Surigao del Norte. Tawagin na lamang natin siyang Lita.

6.       Paglalarawan

Ito’y ginagamit kapag nagtatampok ng tao sapagkat nagbibigay-deskripsyon, mga malarawan at maaksyong salita ang ginagamit.

Halimbawa:

Isa siya sa pinakamaliit sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang punto na nagpapakilalang siya’y taga ibang pook.

 mula sa “Paglalayag… sa Puso ng Isang Bata” ni Genoveva E. Matute

7.       Pagsalungat

Binibigyang diin dito ang pagkakaiba. Kung mas malaki ang pagkakaiba mas matindi ang bisa.

Halimbawa:

Noon malinis, maayos at mapayapa ang aming bayan. Ngayon, malaki na talaga ang pinagbago ng bayan naming ito dahil kabaligtaran na ang makikita mo.

B.      Gitna o Nilalaman

Ito’y pinakakatawan ng sulatin. Ang mga talata nito ay kinapapalooban ng mga pangunahing kaisipan at mga pantulong o pansuportang detalyeng maayos ang pagkasunod-sunod tungo sa malinaw na ikapaliliwanag ng paksa.

Sa pagbuo ng bahaging ito ng komposisyon, alalahaning dapat na mapanatili ang kawilihan ng mga mambabasa. Ang nakalilito at malabong pagpapahayag ng mga ideya ay makababagot sa mga mambabasa. Kailangang mapagsama ang mga kaisipang magkakatulad, magkakauri at magkakaugnay upang maging maliwanag at hindi nakalilito ang pagpapahayag.

Ilang pangkalahatang paraan sa pagsasaayos ng katawan ng komposisyon ay ang mga sumusunod (Arrogante, 1994):

Mga Paraan

1.       Pakronolihikal

Ito’y pag-aayos sa mga pangyayari na magkasunod-sunod mula sa pinakamatagal hanggang sa pinakasalukuyan.

Halimbawa:

Kung ang paksa’y tungkol sa talambuhay, ito’y simulan sa paglilihi ng kanyang inay hanggang sa kasalukuyan niyang buhay.

2.       Paanggulo

Ito’y pagsasaayos na ibinabatay sa personal na masasabi o reaksiyon ng bawat tao tungkol sa mga bagay-bagay o isyu tungo sa isang obhektibong paglalagom. Sa isang isyu, ang tatlong anggulo ay sapat na para makabuo ng isang komposisyon.

Halimbawa:

Kung ang paksa’y tungkol sa Bitay o Hatol, ang mga anggulo ay maaaring kunin sa; mga kriminal mismo na pagtutol di pagsang-ayunan; bawat sektor ng mamamayan na magkaroon ng iba’t ibang pagpapasya. Sa pamamagitan ng pagtitimbang-timbang sa bilang ng reaksyong nakuha ang kongklusyon ay madaling magagawa.

3.       Paespasyal o Paagwat

Pinauunlad ang paglalahad sa malapit na sinisimulan dahil ang mga bagay-bagay dito’y alam na alam, patungong malayo o palayo kung saan man ang mga bagay-bagay ay hindi gaanong kilala o “vice versa”.

C.      Wakas o Kongklusyon

Kung dapat isaalang-alang sa pagsulat ng isang makabuluhang sulatin ang wastong pagsisimula, nararapat ding pagtuunan ng pansin ang maayos na pagwawakas. Mawawalan ng saysay ang kagandahan ng komposisyon kung ang sumulat nito ay nakalimot sa katangian ng isang maayos na pagwawakas. Ang maayos na pagwawakas ay lumalagom sa mga kaisipang inilahad sa komposisyon.

Ang wakas ay dapat na maikli dahil kung ito’y pahahabain, di na ito mabisa at di kasiya-siya. Ito ang pangkalahatang palagay o pasya tungkol sa paksa batay sa mga katibayan at mga katwirang iniisa-isa sa gitnang bahagi. Kailangang mag-iwan ito ng kakintalan o bisang pangmatagalan sa mga mambabasa.

Ilang mungkahing paraan sa pagbuo ng wakas ng komposisyon ay ang mga sumusunod:

1.       Tuwirang Sinasabi

Halimbawa:

“The US Presidential election teaches us to become more aggressive and make an intensive drive to continue with our efforts to modernize the country’s electoral system,” ani Rosales na nagsabing susuriin ng Kamara de Reperesentantes ang anumang butas upang ipatupad ang batas modernisasyon.

-Taliba (Nobyembre 5, 2004)

2.       Panlahat na Pahayag

Halimbawa:

… Kung ano ang bawal, iyon ang masarap. Subalit ang masarap ay pumapalit din kalaunan, wika nga.

3.       Pagbubuod

Halimbawa:

Marami pang humihingi ng hustisya. Walang nakaaalam kung kailan nila iyon makakamtan.

4.       Pagpapahiwatig ng Aksyon

Halimbawa:

… Kung hindi na madadagdagan ang populasyon, maaaring wala nang gaanong magugutom. Kung ganoon, dapat na magkaroon nang masidhing kampanya ang pamahalaan para mapigil ang pagdami ng mga tao.

5.       Pagtatanong

Halimbawa:

Ngayon sa oras ng matinding pagsubok na hinaharap ng ating bayan at karamihan sa ating kababayan ay lugmok sa kahirapan, ano ang puwede mong gawin para makatulong? Ano ang dapat gawin ng mga pinuno ng ating bayan para maibsan ang matinding pagdurusa? Ano sa palagay ninyo?

6.       Pagsisipi

Halimbawa:

(Kumukopya ito ng isang linya o mahigit pa sa isang akda, patula man o tuluyan, na angkop sa tinatalakay na paksa.)

Isang magalang na manunulat ang nagsabi: “Pagkatiwalaan ang kapwa mo at sila’y magiging matapat sa’yo. Purihin mo sila at sila ay magiging kapuri-puri.”

Friday, June 13, 2014

Ang proseso ng pagsulat ay hindi lamang nakapokus sa akto ng pagsulat. Kasangkot dito ang mga manunulat sa pag-iisip, pagtalakay, pagbabasa, pagpaplano, pagsulat, pag-eedit at pagsulat muli ng nabuong sulatin. Ang pagsulat ay isang prosesong paulit-ulit na pagsulat at pagkatapos ay pagsulat muli hanggang sa mabuo ang sulatin.

Sa pagsulat natin ng teksto ay nagsisimula tayo sa isang blankong papel patungo sa isang kumpletong sulatin. Kaya lang, nagkakaroon tayo ng suliranin kung paano at saan kukuha ng mga kailangang impormasyon na siyang pupuno sa mga pahina. Sinasabing mahirap ang magsulat lalo na kung hindi natin alam ang ating isusulat.

Ang Pagkuha ng Paksa

Sa pagsulat, walang taong magtatangkang sumulat kung walang plano sa dapat isusulat. Dapat isaisip at planuhin ang susulatin sa gayon kailangan ang pagkokolekta ng mga impormasyon kaugnay sa nabuong ideyang isusulat. Dapat tandaan sa pagsulat ang magiging epekto ng akda sa mambabasa.

Hindi madaling magsimula ng susulatin dahil kaharap mo ang isang blankong papel. Naghihintay ka sa pagdaloy ng isip o talagang wala kang maisip. Ito ang karaniwang nasusumpungan ng mga manunulat lalo na ang mga baguhan.

Ang isang manunulat ay maaaring makakukuha ng mga ideya o paksa sa: (a) iba’t ibang uri ng babasahin tulad ng mga magazine, pahayagan, peryodikal; (b) ,midya – radyo, telebisyon, internet; (c) mga pelikula o dokumentaryo; (d) mga sining biswal; (e) mga panaginip o alaala; (f) diskusyon at palitang-kuro; (g) pagsasatao at pagsasadula; (h) pananaliksik; (i) interes ng sarili o ng klase.

Mga Yugto ng Pagsulat

Hindi lahat ng manunulat ang nakabubuo ng magandang sulatin sa isang upuan lamang. Ang isang magandang sulatin ay dumadaan sa ilang yugto ng pag-unlad mula sa burador hanggang sa pinal na papel.

Isang hamon sa mga estudyante ang mga gawaing pasulat. May mga estudyante na nahihirapan sa gawaing ito sapagkat hindi nila nakasanayan, nakakatamaran, o hindi nila nakakahiligan  ang pagsulat. Ang mga katuwirang ito ay maaaring palagay lamang. Ang totoo nito, magagawa natin ang pagsulat nang maayos kung susundin natin ang pagsulat na isang proseso at hindi isang gawain na dala lamang ng pangangailangan.

Bilang isang proseso, ayon kina Graves (1982), Murray (1985), at Arrogante (2000), ang pagsulat ay binubuo ng mga sumusunod na hakbang: (A) Bago Sumulat; (B) Pagsulat ng Burador; (C) Pagrebisa; (D) Pag-eedit; at (E) Paglalathala.

A.      Bago Sumulat (Prewriting)

-          Ito’y isang estratehiya tungo sa pormal na pagsulat. Ito ang unang hakbang na isasagawa sa pagpapaunlad ng paksang isusulat. Ang gawaing ito ay maaaring ginagawa nang isahan o nang pangkatan.

B.      Pagsulat ng Burador (Draft Writing)

-          Ito’y aktuwal na pagsulat nang tuloy-tuloy na hindi isinasaalang-alang ang maaaring pagkakamali.
-          Ang mga kaisipan at saloobin tungkol sa paksang sinusulat ay malayang ipinahahayag ng estudyante.
-          Ang guro ay nakaantabay sa maaaring maitulong o tanong na maaaring hingin ng mag-aaral kung nasa klasrum ang gawain.
-          Matapos maisagawa, maaaring balikan at suriin ng estudyante ang natapos na sulatin upang maaayos at malinaw ang ginagawang paglalahad.

C.      Pagrebisa

-          Ito’y pagbabago at muling pagsulat bilang tugon sa sagot sa mga payo at pagwawasto mula sa guro, kamag-aral, editor o mga nagsuri.
-          Pangunahing konsern ng rebisyon ang pagpapalinaw sa mga ideya. Ginagawa ito upang suriin ang teksto at nilalaman para matiyak ang kawastuhan, kalinawan at kayarian ng katha na madaling maunawaan ng babasa.
-          Sa bahaging ito, iniwawasto ang mga inaakalang kamalian, binabago ang dapat baguhin at pinapalitan ang dapat palitan.

D.      Pag-eedit

-          Ang bahaging ito ay pagwawasto sa gramatika, ispeling, estruktura ng pangungusap, wastong gamit ng salita at mga mekaniks sa pagsulat.
-          Sa bahaging ito pinapakinis ang papel upang matiyak na ang bawat salita at pangungusap ay naghahatid ng tamang kahulugan. Sa pag-eedit, ang mga di-magkaugnay na pangungusap ay muling isinusulat upang higit na maipakita ang kaugnay na mga ideya.

E.       Paglalathala

-          Ang paglalathala ay pakikibahagi ng nabuong sulatin sa mga target na mambabasa. Kabilang sa gawaing ito ang mga sumusunod:

1.       Paglalathala ng mga piling sulatin sa pahayagang pangkampus
2.       Pagbabasa sa harap ng klase at pakikinig sa pagbasa ng iba
3.       Paggawa ng isang buklet, album o portfolio ng mga naisulat
4.       Eksibit o pagdidispley sa buletin bord ng mga naisulat

Mga Uri ng Pagsulat sa Iba’t Ibang Layunin

Nagsusulat tayo ng samu’t saring uri ng sulatin sa iba’t ibang dahilan o layunin at uri ng mambabasa. Ito ay kapakioakinabang sa iba’t ibang panahon, lugar, paraan at pangangailangan:

A.      Pagsulat para matuto at makaunawa
-          Pagtatala (note taking)
-          Brainstorming at quickwriting
-          Semantic mapping
-          Venn diagram
-          Graphic organizer
-          Dyornal

B.      Pagsulat para makipagkomunikasyon
-          Liham
-          Talambuhay
-          Ulat o report

C.      Imahinatibong pagsulat
        -       Mga akdang pampanitikan (kuwento, tula, sanaysay, atbp.)

Thursday, June 12, 2014

Operating system is very important mostly in computer owners because operating system is the software that manages computer hardware resources and provides common services for computer programs. The operating system is an essential component of the system software in a computer system. Any application programs usually require an operating system to function.

Someone says, a computer without an operating system is like a car without an engine. And the other says, a computer without operating system is like a book without words printed on it.

Sunday, June 8, 2014

Kahulugan ng Pagsulat

Ano ang pagsulat?

-          Ang pagsulat ay pagsasalin sa papel o sa anumang kasangkapang maaaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo at ilustrasyon ng isang tao o mga tao sa layuning maipahayag ang nasa kanyang kaisipan (Sauco, et al., 1998).

-          Isang paraan ng pagpapahayag ng mag saloobin, damdamin at kaalaman ang pagsulat katulad ng pagsasalita. Sa apat na makrong kasanayang pangwika (pakikinig, pagsasalita, pagbasa at pagsulat), ang pagsulat ang sinasabing pinakamahirap matutuhan. Di tulad ng pagsasalita, hindi mga tunog kundi may mga titik ang simbolong ginagamit ng manunulat upang makapagpahayag. Bumubuo siya ng makahulugang salita mula sa mga titik, at ng mga pangungusap at kabuuang diskors mula sa mga salita.

-          Ang pagsulat ay ekspresyon ng pagpapagalaw ng isipan at emosyon ng tao. Ang mga bagay na hindi kayang sabihing pasalita ay ginagawa sa paraang pasulat. Maaaring sumulat ng pansarili o personal; kasabay nang pag-unlad ng sariling ideya tungkol sa sarili at karanasan. Ang ganitong uri ng pagsulat ay makatutulong sa pagpapabuti ng kasanayang ito sapagkat ang paksang isinusulat ay pinakamalapit sa interes mo.

-          Nagsusulat ang isang tao upang makapag-ambag ng kaalaman o kaisipang maaaring mang-uudyok sa mambabasang sumulat nang makabuluhan.

Kahalagahan ng Pagsulat

Inilahad ni Arrogante (2000) ang mga kahalagahan ng pagsulat:

a.       Kahalagahang Panterapyutika

Ang taong may kahinaan sa pagsasalita ay mahilig sumulat para mailabas lamang ang nasa kalooban may babasa man o wala. Gumagaan ang kanilang pakiramdam pagkatapos makapagsulat. Para bang naibsan sila ng isang mabigat na dalahin.

b.      Kahalagahang Pansosyal

Sumusulat ang mga tao dahil may namamagitang katahimikan o mga bagay na siyang nagpapalayo sa isang relasyon ngunit likas ng tao ang magkarelasyon. Kung nasasaktan ka at hindi mo masasabi nang tuwiran ang iyong nadarama, isulat mo lang iyon. Madali ang ugnayan sa pamamagitan ng pagsulat. Ang isang mamamayang sosyal ay sandatang panulat ang ginagamit para maipadama ang kanyang saloobin tungkol sa mga pangyayari sa kanyang kapaligiran.

c.       Kahalagahang Pang-ekonomiya

Ang tao’y sumusulat dahil kailangan para siya’y mabuhay, sa madaling salita ito’y nagiging kanyang hanapbuhay. Pang-araw-araw na gawain niya ang pagsusulat at ang paghahanap ng mga dapat isulat, lalo na kapag may hinahabol na deadline.

d.      Kahalagahang Pangkasaysayan

Ang panulat ay mahalaga sa pagreserba ng ating kasaysayang pambansa at ang mga naisasatitik ay nagsisilbing dokumento para sa mga sumusunod na henerasyon.

Saturday, June 7, 2014

Ang mapa, tsart, grap at talahanayan ay mga grapikong pantulong upang madaling maunawaan at nagagawang payak ang mga datos na inilalahad sa isang teksto. Kapaki-pakinabang ang mga ito para sa isang mananaliksik sapagkat malinaw at siyentipiko niyang natatalakay ang kanyang paksa.

Mga Paraan ng Pagbibigay-Interpretasyon

-          Basahin at unawain ang pamagat at sab-seksyon ng teksto upang matukoy ang layunin nito.
-          Pansinin at unawain ang legend at scales na ginamit.
-          Tingnan kung ang grap ay mayroong nakasaad na mga tala sa paligid, itaas o ibabang bahagi. Tuklasin ang mga kahulugan nito batay sa legend.
-          Suriing mabuti ang bawat bahagi.

1.       Mapa
-          ang mapa ay naglalarawan ng lokasyon, hugis at distansya. Ang mapa ay nagtuturo sa mga palatandaan ng lokasyon ng isang lugar. Ito ay nakatutulong sa pagbibigay direksyon.
-          Ang pagbibigay ng direksyon ay isang uri ng pagpapaliwanag. Tulad ng pagpapaliwanag ng paggawa ng isang bagay, nangangailangan ito ng katiyakan, kapayakan at kaliwanagan. Kailangan din ang maliwanag na pagkakasunod-sunod ng mga hakbang na kailangang sundin.

2.       Tsart
-          Ang tsart ay nagpapakita ng dami o estruktura ng isang sistema sa pamamagitan ng hanay batay sa hinihingi o ibibigay na impormasyon.

           a. Tsart ng Organisasyon

          b. Flow Tsart




3.       Grap

Ang grap ay mauuri sa sumusunod: (a) larawang grap, (b) linyang grap, (c) bar grap, at (d) bilog na grap.

Mga Uri ng Grap

a.       Larawang grap (Pictograph)

Larawan ang ginagamit upang kumatawan sa mga datos, impormasyon o produkto. Mahalaga na maging magkakasinlaki ang mga larawan. Ang kalahati o hinating larawan, kalahati rin ang bilang nito (50%), ang mga datos na 55-90% ay pinakakahulugang buong larawan.

Halimbawa:




b.       Linyang grap (Line Graph)

Binubuo ng linyang perpendicular. Ito ay ginagamit sa pagsukat ng pagbabago o pag-unlad. Ang patayo at ibabang linya ay may kaukulang pagtutumbas. Gamit ang linya at tuldok tinutukoy ang interbal, bilis, bagal o tagal ng mga bagay (salik) na nakatala sa bawat gilid.

Halimbawang pormat:




c.       Bar Grap (Bar Graph)

-          Nagpapakita ng paghahambing ng mga datos gamit ang bar sa halip na tuldok at linya upang tukuyin ang kantidad. Parisukat ang anyo ng grap, maaring patayo o pahiga ang mga datos na sinisimbolo ng bar.

Halimbawang pormat: 




d.       Bilog na Grap (Pie Graph)

-          ItoĆ½ sumusukat at naghahambing ng mga datos o impormasyon sa pamamagitan ng paghahati-hati nito.

Halimbawang pormat: 


4.       Talahanayan (Table)

-          Ang talahanayan ay naglalahad ng datos sa tabular na anyo. Sistematikong inilalagay sa mga hanay o kolum ang mga nalikom na datos.

Halimbawa:

Mga Pangunahing Wika ng Pilipinas


WIKA
TAGAPAGSALITA
BILANG
Tagalog
Taga-Maynila, Rizal, Bulacan, Batangas, Marinduque, Cavite, Quezon, Lubang, Bataan, Tanay-Paete, Tayabas

21, 186, 621
Cebuano
Taga-Cebu, Negros, Leyte at ilang bahagi ng Mindanao

14, 092, 547
Ilocano
Taga-Ilocos, Abra, La Union, Cagayan Valley, Samtoy, Ibanag, Babuyan, Mindoro

6, 874, 290
Hiligaynon
Taga-Iloilo at mga probinsya ng Capiz, Panay, Negros Occidental, Visayas

5, 818, 928
Bikolano
Taga-Naga, Legaspi, mga probinsya ng Albay, Bato, Buhi, Catanduanes, Sorsogon, Masbate, Buhi, Camarines Sur, Luzon

4, 572, 535
Waray
Taga-Samar-Leyte

2, 335, 875
Pampango
Taga-Pampanga sa Gitnang Luzon, bahagi ng Tarlac, Nueva Ecija, Bataan at Luzon

2, 315, 740
Boholano
Taga-Bohol, ilang bahagi ng Southern Leyte

1, 892, 982
Pangasinan
Taga-Pangasinan na nasa hangganan ng mga lalawigan ng Ilocos

1, 361, 220
Maranaw
Taga-Mindanao, Lanao del Norte at Lanao del Sur

1, 033, 827