.

Monday, June 2, 2014

Pagkilala sa Pagkakaiba ng Katotohanan at / o Opinyon



Ano ang katotohanan at opinyon?
               
Ang katotohanan ay isang pahayag na nagsasaad ng ideya o pangyayaring napatunayan at tanggap ng lahat na totoo at hindi mapapasubalian kahit sa ibang lugar. Hindi ito nagbabago at maaaring i-verify ang pagkamakatotohanan nito sa ibang sanggunian tulad ng mga babasahin at mga taong nakasaksi nito.

Ang opinyon naman ay isang pananaw ng isang tao o pangkat na maaaring totoo pero puwedeng pasubalian ng iba. Ito rin ay isang paniniwala na mas malakas pa sa impresyon, mas mahina sa positibong kaalaman na batay sa obserbasyon at eksperimento.

Sa medaling salita, ang katotohanan ay mga pahayag na maaaring mapatunayan ng mga ebidensya samantalang ang opinyon ay mga pahayag na batay sa sariling paniniwala lamang.

Tandaang, bagamat ito’y isang paniniwala o punto ng sumulat lamang, mainam na ang paghabi ng opinyon ay nakasalig sa kanyang karanasan at o mga nabasang prinsipyo o kaisipan.

Sa pagpapahayag ng katotohanan at opinyon, maaaring gumamit ng mga sumusunod na pananda:

Katotohanan – batay sa resulta, pinatutunayan ni, mula kay, sang-ayon sa, tinutukoy ng, mababasa sa…
Opinyon – sa aking palagay, sa tingin ko, sa nakikita ko, sa pakiwari ko, kung ako ang tatanungin, para sa akin, sa ganang akin
Positibong Opinyon – totoo, tunay, talaga, ganoon nga, mangyari pa, sadya
Negatibong Opinyon – ngunit, subalit, habang at samantala

Halimbawang Teksto

Ang Paninigarilyo

                Ang paninigarilyo ay isang kasanayan kung saan sinusunog ang isang sangkap, pinakakaraniwan ang tabako na nakapaloob sa bilot ng sigarilyo, at nilalanghap at nilalasahan ng usok. Pangunahing ginagawa ito bilang isang anyo ng paggamit ng droga bilang isang libangan dahil sa may nicotine na nailalabas ito at ginagawang madaling masipsip ng mga baga. Maaaring ginagamit ito bilang bahagi ng rituwal, upang hikayatin ang kawalan ng ulirat at ispirituwal na kaliwangan. Ang sigarilyo ang pinakakaraniwang kaparaanan ng paninigarilyo sa ngayon, at pangunahing ginagawa ng mga pagawaan ngunit maaaring din gawin mula sa hiwa-hiwalay na tabakong nirolyo sa papel sa pamamagitan ng kamay.


Mauubos ang tao dahil sa Paninigarilyo

Limang milyong tao ang namamatay taon-taon dahil sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Sa loob lamang ng limang taon, 30 – milyon ang namamatay. At kung hindi maihihinto ng smokers ang masamang bisyo, maaaring mauubos ang mga tao sa mundo. Nakakakilabot na ang pagkaubos ng sangkatauhan ay dahil lamang sa bisyo. Karaniwang ang mga sakit na emphysema, sakit sa puso at bronchitis nakukuha sa paninigarilyo. Ang ganitong problema ay hindi naman dapat ipagwalang-bahala kaya kailangang paigtingin ng pamahalaan ang kampanya laban sa paninigarilyo. Magkaroon ng mga makabuluhang information campaign laban sa masamang dulot ng paninigarilyo.

Ayon sa report, 10 porsiyento ang nagagastos ng pamahalaan dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Ibig sabihin, nasasayang ang pera sapagkat napupunta lamang para sa pagpapaospital ng mga sugapa sa sigarilyo. Malaking halaga n asana ito kung maiipon at magagamit para sa iba pang serbisyo sa mamamayan. Ang ganda kung wala nang gagastusin para sa pagpapagamot ng sakit na nakuha sa paninigarilyo.

Ngayong Hunyo ang “No Smoking Month” at maganda sana kung ngayon na rin uumpisahan ang pagsasagawa ng mga hakbang para matulungan ang mga sugapa na bumitaw na sa masamang bisyo. Ngayon na rin magpanukala ang mga mambabatas ng mga gawaing pagbabago sa mga pakete ng sigarilyo para ganap namang maipabatid sa smokers ang masamang dulot ng paninigarilyo.

Sa ibang bansa, halimbawa sa Thailand , ipinasusunod na ang paglalagay ng mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Halimbawa ay ang sakit na tinubuan ng bukol sa lalamunan, sugat sa dila, butas sa pisngi at iba pang nakaririmarim na sakit. Kapag ang mga retratong ito ay nakita ng smokers, baka hindi na sila maninigarilyo at tuluyan nang iwan ang nakamamatay na bisyo.

Isa pa rin sa magandang paraan para maitigil na ang paninigarilyo at makaiwas sa mga sakit ay ang pagtataas ng buwis sa produktong ito. Kung tataasan ng buwis, magmamahal ang sigarilyo at hindi na maaabot ang presyo.

Isa ring paraan na posibleng gawin para maitigil ang paninigarilyo lalo ang mga kabataan ay ang paghihigpit sa pagbebenta ng sigarilyo sa mga ito. Agad na dakpin ang may-ari ng establisimento, tindahan at pati vendors na magbebenta ng yosi sa kabataan.

Pinagkukunan:Editoryal, Pilipino Star Ngayon, Hunyo 23, 2009 http://www/philstar.com/Article.aspx?articleid=480120