Ang proseso ng pagsulat ay hindi lamang nakapokus sa akto ng pagsulat. Kasangkot dito ang mga manunulat sa pag-iisip, pagtalakay, pagbabasa, pagpaplano, pagsulat, pag-eedit at pagsulat muli ng nabuong sulatin. Ang pagsulat ay isang prosesong paulit-ulit na pagsulat at pagkatapos ay pagsulat muli hanggang sa mabuo ang sulatin.
Sa pagsulat natin ng teksto ay nagsisimula tayo sa isang blankong papel patungo sa isang kumpletong sulatin. Kaya lang, nagkakaroon tayo ng suliranin kung paano at saan kukuha ng mga kailangang impormasyon na siyang pupuno sa mga pahina. Sinasabing mahirap ang magsulat lalo na kung hindi natin alam ang ating isusulat.
Ang Pagkuha ng Paksa
Sa pagsulat, walang taong magtatangkang sumulat kung walang plano sa dapat isusulat. Dapat isaisip at planuhin ang susulatin sa gayon kailangan ang pagkokolekta ng mga impormasyon kaugnay sa nabuong ideyang isusulat. Dapat tandaan sa pagsulat ang magiging epekto ng akda sa mambabasa.
Hindi madaling magsimula ng susulatin dahil kaharap mo ang isang blankong papel. Naghihintay ka sa pagdaloy ng isip o talagang wala kang maisip. Ito ang karaniwang nasusumpungan ng mga manunulat lalo na ang mga baguhan.
Ang isang manunulat ay maaaring makakukuha ng mga ideya o paksa sa: (a) iba’t ibang uri ng babasahin tulad ng mga magazine, pahayagan, peryodikal; (b) ,midya – radyo, telebisyon, internet; (c) mga pelikula o dokumentaryo; (d) mga sining biswal; (e) mga panaginip o alaala; (f) diskusyon at palitang-kuro; (g) pagsasatao at pagsasadula; (h) pananaliksik; (i) interes ng sarili o ng klase.
Mga Yugto ng Pagsulat
Hindi lahat ng manunulat ang nakabubuo ng magandang sulatin sa isang upuan lamang. Ang isang magandang sulatin ay dumadaan sa ilang yugto ng pag-unlad mula sa burador hanggang sa pinal na papel.
Isang hamon sa mga estudyante ang mga gawaing pasulat. May mga estudyante na nahihirapan sa gawaing ito sapagkat hindi nila nakasanayan, nakakatamaran, o hindi nila nakakahiligan ang pagsulat. Ang mga katuwirang ito ay maaaring palagay lamang. Ang totoo nito, magagawa natin ang pagsulat nang maayos kung susundin natin ang pagsulat na isang proseso at hindi isang gawain na dala lamang ng pangangailangan.
Bilang isang proseso, ayon kina Graves (1982), Murray (1985), at Arrogante (2000), ang pagsulat ay binubuo ng mga sumusunod na hakbang: (A) Bago Sumulat; (B) Pagsulat ng Burador; (C) Pagrebisa; (D) Pag-eedit; at (E) Paglalathala.
A. Bago Sumulat (Prewriting)
- Ito’y isang estratehiya tungo sa pormal na pagsulat. Ito ang unang hakbang na isasagawa sa pagpapaunlad ng paksang isusulat. Ang gawaing ito ay maaaring ginagawa nang isahan o nang pangkatan.
B. Pagsulat ng Burador (Draft Writing)
- Ito’y aktuwal na pagsulat nang tuloy-tuloy na hindi isinasaalang-alang ang maaaring pagkakamali.
- Ang mga kaisipan at saloobin tungkol sa paksang sinusulat ay malayang ipinahahayag ng estudyante.
- Ang guro ay nakaantabay sa maaaring maitulong o tanong na maaaring hingin ng mag-aaral kung nasa klasrum ang gawain.
- Matapos maisagawa, maaaring balikan at suriin ng estudyante ang natapos na sulatin upang maaayos at malinaw ang ginagawang paglalahad.
C. Pagrebisa
- Ito’y pagbabago at muling pagsulat bilang tugon sa sagot sa mga payo at pagwawasto mula sa guro, kamag-aral, editor o mga nagsuri.
- Pangunahing konsern ng rebisyon ang pagpapalinaw sa mga ideya. Ginagawa ito upang suriin ang teksto at nilalaman para matiyak ang kawastuhan, kalinawan at kayarian ng katha na madaling maunawaan ng babasa.
- Sa bahaging ito, iniwawasto ang mga inaakalang kamalian, binabago ang dapat baguhin at pinapalitan ang dapat palitan.
D. Pag-eedit
- Ang bahaging ito ay pagwawasto sa gramatika, ispeling, estruktura ng pangungusap, wastong gamit ng salita at mga mekaniks sa pagsulat.
- Sa bahaging ito pinapakinis ang papel upang matiyak na ang bawat salita at pangungusap ay naghahatid ng tamang kahulugan. Sa pag-eedit, ang mga di-magkaugnay na pangungusap ay muling isinusulat upang higit na maipakita ang kaugnay na mga ideya.
E. Paglalathala
- Ang paglalathala ay pakikibahagi ng nabuong sulatin sa mga target na mambabasa. Kabilang sa gawaing ito ang mga sumusunod:
1. Paglalathala ng mga piling sulatin sa pahayagang pangkampus
2. Pagbabasa sa harap ng klase at pakikinig sa pagbasa ng iba
3. Paggawa ng isang buklet, album o portfolio ng mga naisulat
4. Eksibit o pagdidispley sa buletin bord ng mga naisulat
Mga Uri ng Pagsulat sa Iba’t Ibang Layunin
Nagsusulat tayo ng samu’t saring uri ng sulatin sa iba’t ibang dahilan o layunin at uri ng mambabasa. Ito ay kapakioakinabang sa iba’t ibang panahon, lugar, paraan at pangangailangan:
A. Pagsulat para matuto at makaunawa
- Pagtatala (note taking)
- Brainstorming at quickwriting
- Semantic mapping
- Venn diagram
- Graphic organizer
- Dyornal
B. Pagsulat para makipagkomunikasyon
- Liham
- Talambuhay
- Ulat o report
C. Imahinatibong pagsulat
- Mga akdang pampanitikan (kuwento, tula, sanaysay, atbp.)