Ang Proseso ng Pagbasa
Ang pagbasa ay isang proseso ng pagbibigay-kahulugan ng mga simbolo at salita. Bilang proseso, ito ay may apat na hakbang ayon kay William S. Gray(1950), ang kinilalang “Ama ng Pagbasa”: (1)persepsyon, (2)komprehensyon, (3)reaksyon, at (4)integrasyon (Belvez, et al., 1990; Villamin, et al., 1994; Resuma at Semorlan, 2002).
Persepsyon - Ito ay pagkilala at pagtukoy sa mga nakalimbag na simbolo at kakayahan sa pagbigkas ng mga tunog.
Komprehensyon - Ito ay pag-unawa sa mga nakalimbag na simbolo o salita.
Reaksyon - Ito ay kaalaman sa pagpasiya o paghatol ng kawastuhan, kahusayan, pagpapahalaga at pagdama sa teksto.
Integrasyon - Ito ay kaalaman sa pagsasanib o pag-uugnay at paggamit ng mambabasa sa kanyang dati at mga bagong karanasan sa tunay na buhay.
Isang komplikado o masalimuot na proseso ang pagbasa sapagkat maraming kasanayan ang nililinang at kailangang malinang dito upang magiging epektibo ang pagbabasa. Isa kang mahusay at epektibong mambabasa kung natutukoy mo ang layunin ng iyong binabasa, nagagamit ang mga estratehiya at teknik sa pagbasa, nakabubuo ng hinuha o hula sa susunod na pangyayari at iniuugnay ang dating kaalaman at karanasan upang maunawaan ang kahulugan ng binabasang teksto.
Mga Teorya sa Pagbasa
Ano ang teorya sa pagbasa?
Ang teorya sa pagbasa ay pananaw ukol sa pagbasa. Ito ay nagtatangkang ipaliwanag sa mga proseso at salik na kasangkot at may kaugnayan sa mga gawaing nararanasan sa akto ng pagbasa at ang pag-unawa sa mga ito (Singer at Ruddell, 1985).
Napakahalagang kasanayan dapat na matutuhan ng mga estudyante ang isang matibay na pag-unawa sa proseso ng pagbasa. May iba’t ibang paniniwala o pananaw na maaaring magamit sa pagtalakay sa konsepto ng pagbasa.
Sa kasalukuyan, apat (4) ang popular na modelo, teorya o pananaw tungkol sa pagbasa. Tunghayan ang mga paniniwala tungkol sa pagbasa batay sa mga modelong makikita sa tsart: (A)teoryang itaas-pababa (top-down), (B)teoryang ibaba-pataas (bottom-up), (C)teoryang interaktibo, at (D)teoryang iskema.
Pagpapaliwanag ng Teoryang Itaas – Pababa:
Ang teoryang ito ay naniniwalang ang pag-unawa ay nagmumula sa isipan ng mambabasa mayroon nang dating kaalaman at karanasan.
Ang daloy ng impormasyon sa teoryang ito ay nagsisimula sa itaas (top) patungo sa ibaba (down) na ang ibig sabihin, ang pag-unawa ay batay sa kabuuang kahulugan ng teksto.
Ang impormasyon ay nagmumula sa dating kaalaman ng mambabasa patungo sa teksto (Smith, 1994).
Ang mambabasa ay gumagamit ng kanyang dating kaalaman (prior knowledge) at mga kaalaman (schema) na nabubuo na sa kanyang isipan batay sa kanyang mga karanasan at pananaw sa paligid. Nakabubuo siya ng mga palagay at hinuha at ito ay iniuugnay niya sa mga ideya na inilahad ng may-akda sa teksto.
Ayon kay Goodman (1967), ang pagbasa ay isang saykolinguwistikong larong pahulaan (psycholinguistic guessing game). Sa larong ito, ang mambabasa ay nagsisilbing “taya” kung saan siya ay bumubuo ng sariling hula, hinuha at ipotesis kaugnay ng tekstong binasa. Sa teoryang ito, ang mambabasa ang sentro ng proseso ng pagbasa sa halip na ang teksto dahil ang mambabasa ay madalas nang may dating kaalaman o iskema tungkol sa paksa. Samakatuwid, sa teoryang ito, ang mambabasa ay higit na nakapokus sa kung ano ang alam niya upang maunawaan ang binabasa.
Ang teoryang ito ay tinatawag ding inside-out model, concept-driven model, at whole to part model (Goodman, 1985 at Smith 1994).
Mga Proponent ng Teoryang Itaas – Pababa:
Teoryang Ibaba – Pataas (Bottom – Up)
Pagpapaliwanag ng Teoryang Ibaba – Pataas:
Ito ay salungat sa teoryang top-down.
Ito ay pananaw sa pagbasa na naniniwalang ang pag-unawa sa teksto ay batay sa mga nakikita rito tulad ng salita, pangungusap, larawan, diyagram o iba pang simbolo.
Tinatawag itong teoryang ibaba-pataas o bottom-up na nangangahulugang ang pag-unawa ng isang bagay ay nag-uumpisa sa ibaba (bottom), ito ang teksto (reading text) at napupunta sa itaas (up), sa utak ng mambabasa matapos maproseso sa tulong ng mata at utak o isipan.
Ang kaisipang ito ay batay sa teoryang behaviorist at sa paniniwalang ang utak ay isang blangkong papel o tabula raza.
Ayon kay Smith(1994), ang impormasyon ay hindi nagmumula sa mambabasa kundi sa teksto.
Ang teoryang ito ay tinatawag ding data-driven model o part to whole model. Ibig sabihin, higit na umaasa ang mambabasa sa mga impormasyong nasa teksto.
Mga Proponent ng Teoryang Ibaba – Pataas:
Rudolf Flesch (1955), Philip B. Gough (1985), at David La Berge at S. Jay Samuels (1985)
Pagpapaliwanag ng Teoryang Interaktibo:
Ito ang kombinasyon ng teoryang bottom-up at top-down sapagkat ang proseso ng komprehensyon ay may dalawang direksyon (McCormick, 1998).
Sa paggamit ng dalawang paraan (bottom-up at top-down), nagaganap ang interaksyon sa pagitan ng teksto at ng mambabasa. Ito’y nabubuo mula sa kaalaman at ideya na dala ng mambabasa sa pag-unawa sa teksto.
Samakatuwid, nagkakaroon ng epektibong pag-unawa sa teksto kapag ginagamit ng isang mambabasa ang kaalaman niya sa estruktura ng wika at sa bokabularyo kasabay ang paggamit ng dating kaalaman (schema) at mga pananaw.
Mga Proponent ng Teoryang Interaktibo:
David E. Rumelhart (1985); Rebecca Barr, Marilyn Sadow, Camille Blachowicz (1990); at Robert Ruddell, Robert Speaker (1985)
Teoryang Iskema (Schema)
Pagpapaliwanag ng Teoryang Iskema:
Ang lahat ng ating naranasan at natutuhan ay nakaimbak sa ating isipan o memorya. Ito ay nagiging dating kaalaman (prior knowledge). Ito’y nakakaimpluwensya nang malaki sa pag-unawa kung ano ang alam na o hindi alam ng mambabasa.
Iskemata (schemata), ang sistema ng pag-iimbak ng impormasyon sa utak ng tao (Anderson at Pearson, 1984).
Ang dating kaalaman (iskema) ang unang kailangan sa pag-unawa sa binasa upang maunawaan ang binasang teksto.
Ang iskema ay nararagdagan, nalilinang, nababago at napauunlad.
Ayon sa dating pananaw, ang pagbasa ay ang pagbibigay ng ideya o kaisipang nasa teksto.sa kasalukuyang pananaw naman, ang mambabasa ay may ideya nang nalalaman batay sa dati niyang kaalaman (iskema) sa paksa o tekstong babasahin. Binabasa ang teksto upang patunayan kung ang mga hinuha o palagay ng mambabasa ay tama, wato, kulang o may dapat baguhin. Samakatuwid, ang tekstong nabubuo sa isipan ng mambabasa ang sentrong iniikutan ng pang-unawa at hindi ang teksto mismo. Dahil ditto, dapat bigyang pansin ang interaksyon ng mambabasa sapagkat ito ang nilalaman ng kanyang isipan.
Metakognisyon sa Pagbasa
Ayon kay Flavel (1976), ang metakognisyon ay tumutukoy sa pagkakaroon ng kamalayan at kasanayan sa pagkontrol sa sariling proseso ng pag-unawa. Ito rin ang mataas na kasanayang pampag-iisip na kinapapalooban ng aktibong pagkontrol sa mga prosesong kognitibo sa pagkatuto. Ang isang mahusay na mambabasa ay metakognitibo kapag naiintindihan nila ang kanilang sarili bilang mambabasa at nagagamit nila ang angkop na estratehiya sa pagbasa.
Sa pamamagitan ng metakognisyon, nalalampasan ang kognisyon dahil nagagawa nitong malinang sa mambabasa ang may kamalayang paggamit ng mga estratehiyang kognitibo at pahalagahan sa halip na simpleng gamitin lamang ang mga ito. Binibigyang-diin din ng metakognisyon ang malawakang control sa mga proseso sa halip na sa mga tiyak na estratehiya o gawain.
Ang prosesong metakognisyon sa pagbasa ay binubuo ng tatlong uri (Schunk at Zimmerman, 1998).
Prosesong Metakognisyon
Kaalaman ng mambabasa sa kanyang sariling kahinaan at kalakasan sa pagbasa à Kaalaman ng mambabasa kung aling estratehiya ang angkop na gamitin ayon sa sitwasyon à Kaalaman ng mambabasa sa pagsubaybay sa kanyang pag-unawa kung kalian siya hindi nakauunawa
Ayon kay Graves, et al. (2007), ang isang metakognitibong mambabasa ay itinatanong sa sarili ang sumusunod: naunawaan ko ba ang sinasabi ng awtor?; ano ang ginagawa ko kapag hindi ko naunawaan ang aking binabasa?; ano ang maaari kong gawin upang lalong maunawaan ko ang sinasabi ng awtor?; may magagawa ba ako upang mas lalong maalala ang binasang teksto?; anong mga estratehiya sa pagbasa ang aking kailangang gamitin kaugnay ng teksto?
Mga Kasanayan sa Pagbasa
Ang mga kasanayan sa pagbasa ay nahahati sa dalawang malawak na pangkat o uri: (A) Kasanayan sa Bilis at (B) Kasanayan sa Pang-unawa.
Kasanayan sa Bilis
- Pagpansin o pagtingin nang higit na malawak ang agwat
- Pagtingin sa higit na maraming salita
- Pagbasa nang higit na mabilis
- Pagkakaroon ng mas kakaunting pagbabalik mata
Kasanayan sa Pang-unawa
- Paglilinang ng talasalitaan
- Pag-unawa ng talata
- Pagsunod sa hudyat o pahiwatig na palimbag
- Pagbasa namg pahapyaw at pasuri
- Pagbasa at pag-unawa sa mahihirap na babasahin
Ayon kay Lalunio (1985), ang bilis ay tumutukoy sa ikatatagal ng mambabasa sa pagbabasa ng teksto. Ito ay ang bilang ng salitang nabasa sa loob ng isang minuto. Ang mambabasa na may katamtamang bilis ay nakababasa ng 250 salita bawat minuto. Ang mahusay na mambabasa nakababasa ng 500 – 600 salita bawat minuto. Ang napakahusay na mambabasa na may bilis ay nakababasa ng 1,000 salita bawat minuto. Ang bilis sa pagbasa ay dapat mapag-iba-iba ayon sa layunin ng mambabasa at kahirapan ng binabasa.
Wala ring kabuluhan ang mabilisang pagbasa kung hindi mauunawaan ang binabasa, kaya pang-unawa ang siyang mahalagang bagay na isaalang-alang sa makabuluhang pagbasa. Ang pang-unawa ay karaniwang inilalahad sa bahagdan kung ilang bahagdan ang pang-unawang natamo ng mambabasa sa pagsusumikap niyang maunawaan nang husto ang binabasa. Ang isang mahusay na mambabasa ay nakatatamo ng 70 – 90% na pag-unawa sa teksto at 90 – 95% sa mga tekstong nasa malayang antas.
Upang maging mahusay na mambabasa, dapat na alamin kung bakit ka babasa at kung ano ang gusto mong malaman. Kapag may tiyak ka nang layunin sa iyong pagbasa, dapat ding magkaroon ka ng lubos na pagkakakilala sa babasahin at antas ng kahirapan nito. Ang kuwento, editoryal, ang isang kolum; ang pagbasa sa pahayagan, sa panitikan, sa agham, matematika, pilosopiya – ang bawat isa’y naglalahad ng iba’t ibang suliranin. Bukod pa riyan, ang manunulat ay nagkakaiba ng estilo, talasalitaan at pamaraan ng paglalahad. Dahil dito, makabuluhan ang pag-aakma ng bilis sa pagbasa sa uri ng teksto.
Mga katangian ng Mahusay na Mambabasa
Ang isang mambabasa ay hindi lamang marunong kumilala ng mga salita. Ang isang mahusay na mambabasa ay nakakakuha rin ng mas malawak na kahulugan ng salita; natatanto niya ang gusting buuing konsepto ng isang tao; ang parirala, sugnay, pangungusap at kahit na ang sanaysay, kabanata o ang mismong buong aklat.