Batay sa interaktibong pananaw ng pagbasa, ito ay nagbibigay ng pangunahing diin sa paggamit ng dating kaalaman (iskema) at konsepto sa paligid. Ang bawat yugto ng gawaing pagbasa ay kakikitaan ng aktibong partisipasyon ng mambabasa. Narito ang mga estratehiya na nagpapakita ng interaktibong pananaw sa pagbasa.
Ang Pinatnubayang Pagbasa – Pag-iisip
Ang Pinatnubayang Pagbasa – Pag-iisip o Direct Reading – Thinking Activity (DRTA) ay isang estratehiya sa pagbasa na binuo ni Russell Stauffer (1969) kung saan ang mambabasa ay nagbibigay ng kanilang sariling hula o palagay tungkol sa teksto. Dito makikita ang tuwirang interaksyon sa pagitan ng mambabasa at ng teksto.
Ang paraang DRTA ay binubuo ng tatlong pangunahing hakbang na inaasahang magagawa ng mambabasa: (1) pagbibigay-hula, (2) pagbabasa, at (3) pagpapatunay ayon sa impormasyong nasa teksto.
Ang SQ3R na Estratehiya sa Pagbasa
Ang SQ3Rna estratehiya sa pagbasa ay binuo ni Francis Robinson (1970) na nangangahulugang Survey, Question, Read, Recite at Review. Ang estratehiyang ito ay napatunayan nang epektibo upang malinang ang kasanayan sa pagbasa at pag-aaral ng estudyante. Ito’y angkop gamitin sa mga tekstong ttuluyan o prosa sa panitikan, agham panlipunan at agham.
Survey (Pagsusuri)
- Ito ang paraan upang masanay ang kaalaman ng estudyane sa mga malalawak na balangkas, pamagat ng kabanata, simula, paksa, at buod.
- Kailangang malaman ng estudyante kung anong uri ng teksto ang binabasa bago makapili ng estratehiyang gagamitin.
Mga Hakbang
- Pagtingin muna sa pamagat
- Pagbasa sa Paunang Salita (Introduksyon) ng may-akda sa aklat
- Pagbasa sa simula at lagom ng kabanata
- Pahapyaw na pagbasa
Question (Pagtatanong)
- Ang mga tanong ay nagiging batayan sa pagkuha at paglilinaw ng dahilan ng pagbasa.
- Ang mga tanong na nabubuo ay nagiging batayan sa pagbabalik-aral.
- Ang mga tanong bago bumasa ay makakahikayat upang hanapin ng mga estudyante ang mga sagot habang sila’y nagbabasa
Mga Hakbang
- Pagsulat sa mga tanong na nalinang bago bumasa, habang bumabasa o pagkatapos bumasa
Read (Pagbasa)
- Ito’y masusing pagbabasa upang magkaroon ng tiyak na layunin sa pagbasa at malinaw na bigyan ng kahulugan ang suliraning lulutasin.
- Ito’y maingat ngunit mabagal na pagbasa na binibigyang-diin ang mga alalahaning detalye.
Mga Hakbang
- Pagtuon ng pansin sa mga pangunahing ideya o kaisipan ng teksto.
- Pagsama sa mga pansuportang detalye sa pangunahing kaisipan
- Pagbigay pansin sa mga uri ng ilustrasyon, mapa, tsart, at iba pa
- Pagbalangkas sa binasa
Recite (Pagsagot)
- Ito ay pagsubok saa sarili upang sagutin ang mga tanong na hindi ibinatay sa mga naisulat. Kapag hindi makasagot ay saka na titingin sa teksto o aklat.
- Ang sariling sagot sa mga tanong ay nakatutulong sa konsentrasyon ng estudyante.
- Iminumungkahi na ang pagsagot ay gawin pagkatapos ng pagbasa.
- Ang pagpapahayag sa sariling salita ay mas epektibo kaysa sa pagsasaulo dahilan sa ang mga bagong kaalamang galing sa sariling salita’y hindi madaling malimutan.
Mga Hakbang
- Pagbuo ng sariling sagot
- Pagsagot sa sariling salita sa mga bagong kaalaman
Review (Pagbabalik – aral)
- Ito ay isang kritikal na reeksaminasyon tungo sa pag-uugnay ng nilalaman at sa paglalahad.
- Ang pag-aaral ay hindi kumpleto hanggang hindi nailalagay sa isipan at kailangang matandaan ng mga estudyante ang mga natutuhan. Ito’y nagagawa sa pamamagitan ng pagbabalik-aral.
Mga Hakbang
- Sariling pagsulat
- Pagsagot sa mga tanong
- Pagtatalakay
- Paglalagom
- Paulit na pagbasa