Ang Pagbuo ng Buod
Ang pagbubuod ay isang paraan ng papapaikli ng anomang teksto o babasahin. Ito ay paglalahad ng mga kaisipan at natutuhang impormasyong nakuha sa tekstong binasa. Ito ay hindi sulating orihinal o hindi kailangang maging sariling akda. Wala kang isasamang sarili mong opinyon o palagay tungkol sa paksa. Isinasaad dito kung ano ang nasa teksto. Kailangang panatilihin ang mga binanggit na katotohanan o mga puntong binigyang-diin ng may-akda.
Sa pagbubuod ay kinukuha lamang ang pinakamahalagang kaisipan ng teksto. Kung maikling kuwento ang binubuod o nilalagom, kailangan ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Hindi dapat padampot-dampot ang pagpapahayag ng mga bahagi. Kailangang maging malinaw ang pagpapahayag. Kung ang teksto naman ay isang ekspositori , maaaring ilahad ang mga dahilan at katuwirang ginamit upang maayos at mabisa ang paglalahad.
Pamantayan sa Pagsulat ng Buod
- Basahing mabuti ang buong akda upang maunawaan ang buong diwa nito.
- Tukuyin ang pangungusap na nagpapahayag ng pangunahin at pinakamahalagang kaisipan ng talata.
- Isulat ang buod sa paraang madaling unawain.
- Gumamit ng sariling pananalita.
- Hindi dapat lumayo sa diwa at estilo ng orihinal na akda.
Ang Pagbuo ng Kongklusyon
Ang pagbuo ng kongklusyon ay isang paraan ng pangangatwirang ibinatay sa resulta ng pagmamasid ng mga tiyak na pangyayari o kaisipan. Ang katumpakan ng kongklusyon ay depende sa bilang at kaangkupan ng mga ebidensyang sumusuporta rito. Maaaring ang mga ebidensya ay resulta ng karanasan, pananaliksik, pagmamasid at pagbabasa o interbyu.
Halimbawang Teksto
Orihinal
Sa India, naniniwala ang mga tao na may isang diyosang pumapatnubay sa mga batang nagnanais matuto. Ang diyosang ito ay tinatawag nilang Saraswati.
Isang gabi, habang nakaupo sa kanyang bulaklak ng lotus at nag-iisip kung bakit tila hindi interesado ang mga tao sa lupa na tumuklas ng karunungan, naulinigan si Saraswati ang ganitong pag-uusap.
“Prem, anak, madilim pa bukas ay kailangang gumising ka na. Hindi biro ang lalakbayin mong sampung kilometro patungo sa eskuwelahan at sampung kilometro pabalik.”
“Huwag kayong mabahala, Ina,” sagot ng batang lalaki. “Mag-iingat po ako sa daan.”
“Ang kinatatakutan ko’y ang mga hayop sa gubat na daraanan moa raw-araw. Baka bigla ka na lang sagpangin ng tigre. Kung buhay lamang ang ama mo’y meron sana tayong sapat na pambayad sa boarding house. Pero pangmatrikula mo lamang ay kaytagal na nating pinag-ipunan.”
“Ina, alam ko pong papatnubayan ako ni Saraswati.”
Napangiti si Saraswati sa narinig. “Matutupad,” ang bulong sa sarili.
Buod
Naniwala ang mga taga-India na may diyosa ng karunungan, si Saraswati, na pumapatnubay sa mga batang ibig matuto.