.

Monday, June 2, 2014

Pagsusunod-sunod



Madalas tayong nagkukuwento ng mga pangyayaring nasaksihan o naranasan subalit kung minsan hindi malinaw ang paghahatid natin ng mensahe dahil na rin sa kakulangan ng mga detalye o kaya naman ay napaghahalo-halo natin kaya’t maging ang kausap natin ay nalilito kung nababago ang mga pangyayari. Ang bawat kuwento ay binubuo ng mga sunod-sunod na pangyayari: simula, gitna, at wakas. Bawat manunulat ay may kanya-kanya ring estilo ng pagkukuwento minsan ay pabalik na nagsisimula sa gitna, patungo sa simula o tinatawag na “flashback.”

Ang pagsusunod-sunod ay naglalayon ding ipabatid sa mga mambabasa ang isang paksa sa pamamagitan ng paglalahad ng mga impormasyon sa pamamaraang (a) sekwensyal, (b) kronolohikal at (c) prosidyural. Sinasagot nito ang mga tanong na papaano, gaya halimbawa ng: paano nagsimula, nadebelop at nagtapos ang mga pangyayari? Paano isinagawa ang proseso ng paggawa? Papaano ang pagkakabalangkas? Malinaw na naipapakita sa mga tekstong ito ang mga pangyayari, kaparaanan, kasaysayan mula sa simula hanggang sa wakas.

Mga panandang ginagamit sa hulwarang pagsusunod-sunod: una, sa simula, noon, samantala, saka, maya-maya, hanggang, huli, nang magkaganon, pagkatapos.

Halimbawang Teksto

Sekwensyal

Isang araw, habang naglalakad akong papunta sa eskuwelahan, may narinig akong nagsisigaw ng “Snatcher! Snatcher!” At bigla na lamang na may bumangga sa akin. Isang batang lalaki, mga 13-taong gulang at mahigpit ang hawak sa tangan-tangang bag. Hinawakan ko siya sa dalawang balikat habang nagpupumiglas. Bigla akong napatitig sa kanyang mga mata, natigilan ako, dahil bigla kong naalaala ang batang si Nicolas.

Noong una kong nakilala ang batang si Nicolas ay 10 taon lamang siya. Nag-aaral, masunurin at masayahin. Subalit nang huli ko siyang makita ay nalaman kong may tatlong taon na palang patay ang kanyang ama. Huminto siya sa pag-aaral dahil hindi raw kaya ng kanyang ina na pag-aralin pa silang magkakapatid. Noon niya naisipan ang magtinda ng diyaryo. Nagbarkada at naging laman ng kalye sa buong maghapon si Nicolas. At ngayon sa murang gulang na 13 ay marunong nang manigarilyo at uminom ng alak. Natuto na rin siyang mandukot.

Isa lang si Nicolas sa maraming batang lansangan na inyong nakikita. Minsan lahat silay ay puno ng pangarap sa buhay. Ngunit ngayon, wala na silang pakialam kung ano man ang kanilang maging kahinatnan. Para sa kanila, wala na ring halaga ang buhay.

Hindi likas na masasama ang mga batang ito; mga biktima lamang ng masamang kapalaran. May karapatan din silang mabuhay sa ating lipunan upang matupad ang kanilang pangarap at harapin ang isang magandang kinabukasan.

Halaw sa Makipagtalastasan Tayo 1 nina Milambiling, et al. (1986)

Kronolohikal

Singapore

Matatagpuan ang Republika ng Singapore sa kipot ng Malacca, isang maliit ngunit maunlad na bansa sa timog-silangang Asya. Ito ay nakakawing sa Malaysia sa pamamagitan ng lansangang likha ng tao sa ibabaw ng tubig.

Batay sa mga ulat ng Malay, noong 1160 A.D. matapos ang isang bagyo, si Utama (isang pinunong Malay) ay napagawi sa isang bayan na kung tawagin ay Temasek. Dito ay nakakita siya ng isang hayop na korteng-leon kaya’t naisipan niyang binyagan ang lugar bilang Singa-pura o “Lunsod ng Leon”.

Noong 1819, itinatag ni Sir Thomas Stamford Raffles ang makabagong Singapore. Dahil sa magandang lokasyon ng bansa, hinimok niya ang Britain na bilhin at sakupin ang teritoryo. Naging bahagi ang Singapore ng Straits Settlements, na noong 1867 ay napaloob bilang kolonya ng Britain. Sa panahong ito, umunlad ang Singapore bilang isang pangunahing sentro ng kalakalan at internasyonal na malayang daungan sa pagbubukas ng Suez Canal.

Subalit hindi rin nakaligtas sa pananakop ng mga Hapon ang Singapore. Ang isla ay nasakop mula 1942 hanggang sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ika – 3 ng Hunyo, 1959 nang magsarili ang Singapore. Apat na taon ang lumipas nang sumali ang bansa sa Pederasyon ng Malaysia. Subalit nang magkaroon ng mga alitan ng pederasyong Malay at minoryang Tsino, ang Singapore ay tumiwalag at naging malayang bansa noong ika – 9 ng Agosto, 1965.
Kilala ngayon ang Singapore hindi lamang sa pagiging isang industriyalisadong bansa kundi sa pagkakaroon din nito ng pinakamalinis na lunsod sa buong mundo.

Prosidyural

Paano Bumoto sa Automated Election System?

-          Tiyakin na ang pangalan mo ay nasa listahan ng botante sa presinto. Sa araw ng eleksyon, magpakilala sa presinto. Bibigyan kayo ng balota na may mga pangalan ng mga kandidato at marker (pangmarka)

-          Gamit ang marker, itiman o i-shade nang buo ang oval na nasa tabi ng pangalan ng inyong napiling kandidato.

-          Pagkatapos bumuto i-feed ang nasagutang balota sa Precint Count Optimal Scan (PCOS) Machine.

      -       Bumalik sa Board of Election Inspector (BEI) para lagyan ng indelible ink ang inyong daliri.