.

Monday, June 2, 2014

Sanhi at Bunga



Ang sanhi ay isang ideya o pangyayari na maaaring humantong sa isang bunga. Halimbawa, nakuha mo ang pinakamataas na grado sa pagsusulit dahil nag-aral kang mabuti. Unang binanggit ang bunga at sumunod naman sanhi. Tandaan na hindi lahat ng pagkakatao’y nauuna ang sanhi sa bunga. Isiping lagi ang ganito: Anong ideya o pangyayari ang naunang naganap (sanhi)? Ano ang kinalabasan (bunga)?

Sa komunikasyon, madalas tayong nagbibigay o naglalahad ng sanhi at bunga. Layunin nitong ipakita na kaya naganap ang isang pangyayari ay may dahilang nauna pa kaysa rito. Sa gawaing ito, kailangan nating pag-aralan at tingnang mabuti ang isang pangyayari. Dito’y kailangan ang likas na pagkukuro at matalinong paninindigan sa pagpapasya at pagpapakahulugan sa mga bagay na nakikita at nababasa natin.

Mga panandang ginagamit sa hulwarang sanhi at bunga: dahil sa, sapagkat, nang, kasi, buhat, mangyari, palibhasa, kaya, resulta, sanhi, epekto, bunga nito, tuloy, atbp.

Halimbawang Teksto

Walang patumanggang pagputol ng kahoy sa mga bundok at kagubatan. Pagwawalang-bahala ng pamahalaan sa iligal na pagkakahoy. Ang hindi pag-uukol ng atensyon sa muling pagpapasibol at pagtatanim ng mga punungkahoy. Ang ating mga kabundukan ay kalbo na. Nararanasan na natin ang bunga ng mga gawaing iyon. Ang pagkakaroon ng tagtuyo’t kung katag-arawan at ang malalaking baha kung tag-ulan.

Kung dumarating ang malalaking baha, lahat ay napipinsala. Ang mga pananim ay nasisira. Ang mga kalye ay lalong nasisira. Maraming bahay, kasama ang mga kasangkapang nababad, ay baha ang nagiging sanhi ng pagkabulok at pagkasira. Paralisado ang mga sasakyan, tanggapan, at mga eskuwelahan. Malungkot isipin at sa palagay ko, dalawang uri lamang ng mamamayan ang natutuwa kapag may baha. Ang mga estudyante pagkat walang pasok sa eskuwelahan, at ang mga nagtutulak ng kotse at dyip na nasisiraan sa gitna ng baha.