Ang Diborsyo
Maurita M. Reyes at Celia B. Imbat (1994)
Ang diborsyo ay isang paraan ng pagpapawalang-bisa sa kasal. Ito ay itinakda at pinaiiral ng batas-pansibil sa ibang bansa tulad ng Amerika, Britanya at iba pang bansa sa Europa.
Sa Pilipinas, minsan nang nagkaroon ng mainitang pagtatalo kung dapat o hindi dapat gawng legal ang diborsyo sa Pilipinas. Ayon sa pagsasaliksik, 85% ng mga mamamayan sa Pilipinas ang tumututol sa diborsyo samantalang 15% naman ang sumasang-ayon. Napag-alaman pa rin na ang mga sumasang-ayon na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas ay yaong nabibilang sa mayayamang angkan.
Bilang isang panig sa pagtatanggol, tumututol ako na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas. Ang ating bansa ay namumukod-tanging bansa sa Silangan na ang 92% ng mga mamamayan ay Katoliko. Batay sa aral Katoliko-Apostoliko Romano, ang mag-asawang pinagbuklod sa simbahan ay may basbas o bendisyon ng kabanalan.
Dahil dito, ang mag-asawa ay may sinumpaang magsasama sa hirap at ginhawa hanggang sa huling sandal. Sumupa pa rin ang mag-asawa ang siyang magtuturo sa kanilang magiging mga anak na kabanalan upang lumaking may takot sa Diyos.
Kung ang diborsyo ay gagawing legal sa Pilipinas, paano matuturuan ng mga magulang ng mga gawaing kabanalan ang mga anak? Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay magiging masamang halimbawa pa sa mga anak. Ang mabuting pagkakaunawaan ng mga anak ay siyang ugat ng pagkakaroon ng isang maligaya at mapayapang tahanan.
Ayon pa rin sa ating Saligan Batas, tungkulin at pananagutan ng mga magulang na papag-aralin ang kanilang mga anak. Paano maipagkaloob ng mga magulang ang mabuting edukasyon para sa mga anak kung ang pamilya ay “pilay”? Tunay na mahirap tumayo nang matatag ang isang pamilya kung wala ang ilaw ng tahanan o kaya’y ang itinuturing na haligi ng tahanan. Ang puno’t dulo nito, ang mga anak ang naiipit sa nag-uumpugang bato.
Batay pa rin sa kaugaliang minana natin sa ating mga ninuno, hindi ugali ng mga Pilipino ang hiwalayan ang kanyang kabiyak kung ang babae o lalaki ay hindi nagkaroon ng kasiyahan sa mga panahon ng kanilang pagtatalik o kaya naman ay hindi nabigyan ng lalaki ang babae ng kanyang mga pangangailangan sa buhay.