.

Monday, June 2, 2014

Pagsusuri kung Balido o Hindi ang Ideya o Pananaw



Sa pagbabasa, hindi lahat ng pananaw o ideya ay dapat tanggapin agad ng mambabasa. Kailangang kilatising mabuti ang anumang pananaw o ideya kung ito ba ay balido (valid) o hindi. Sa pagsusuri ng teksto kaugnay sa baliditi ng mga ideya nito, kailangang matukoy muna kung sino ang nagsabi ng ideya at ang kanyang nagging batayan sa pagbanggit ng ideya.

Kaugnay ng pagiging interaktibo ng tao, karaniwan nang Gawain ang pagbibigay ng sariling pananaw o ideya hinggil sa kanyang nabasa, narinig, napanood o naranasan. Sa pagbibigay ng tiyak na pananaw sa mga ito, karaniwang humahantong sa pagsasang-ayon o pagtutol.

Ang konsepto ng pagtutol at pagsang-ayon ay maaaring mapagsama sa isang pangungusap sa pamamagitan ng mga pang-ugnay tulad ng sumusunod: totoo, tinatanggap ko, tama ka, talaga, tunay (nga) pero, ngunit, subalit, datapwat, totoo ang sinabi mo, sadyang, atbp.

Halimbawang Teksto

“Math Anxiety”: Paano ito Haharapin?
Ni Alita G. Agapay
Bilang isang guro sa mahabang panahon, karaniwan ko nang marinig sa mga estudyante ang mga komentong “mahirap ang Math”, “ayaw ko sa Math”, “pinakaayaw ko sa lahat ng mga asignatura ang Math”, “waterloo ko ang Math” at iba pang  mga negatibong mga salita kapag nabanggit ang Math.

Alam ng lahat na ang math ay isa sa mga mahahalagang asignatura sa kurikulum mula elementarya, sekondarya hanggang kolehiyo. Ginagamit ito ng lahat ng tao sa pagharap ng pang-araw-araw na pamumuhay mula sa paggising sa umaga hanggang sa bago ito matulog.

Karamihan sa mga mag-aaral ay nakakaranas ng tinatawag na “Math Anxiety”. Ito ay ang pagkaramdam ng labis na pagkabahala, pagkabalisa at takot sa pag-aaral ng math. Ang ganitong pakiramdam ay naidudulot ng pag-analisa ng mga numero, pagsagot ng mga problemang pangmatematika na karaniwang nararanasan sa ordinaryong pamumuhay at mga sitwasyong pang-akademiko. Nagbubunga ito ng pagkalimot at pagkawala ng tiwala sa sarili ng estudyante.

Pinapatotohanan ng mga pag-aaral na ang pagkuha ng test na may takdang oras at ang hayagang pagkapahiya ang mga kinikilalang dahilan ng pagkakaroon ng negatibong pagtingin sa math. Dagdag pa ang mga regular na ginagawa sa traisyonal na paraan ng pagtuturo ng math. Ang mga ito ay ang labis na pagdikta sa mga estudyante, lantarang pagpapahiya at pagsunod sa mga “deadline”. Sa ganitong pagkakataon, kinakailangan ang pagrebisa ng mga metodolohiya sa pagtuturo. Dapat bigyang pansin ang pagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na makibahagi at magpakita o magsabi ng kanilang saloobin tungkol sa araling pinag-uusapan.

Sa katotohanang nakakaranas ng “math anxiety” ang mga estudyante sa tradisyonal na paraan ng pagtuturo, kailangan ng mga guro na magdesinyo ng mga aralin na makapagbibigay sa mga estudyante ng pakiramdam na sila’y nagtatagumpay. Ipinapakita rin ng mga pag-aaral na mas natututo nang maayos kapag aktibong nakikibahagi sa aralin kaysa sa basta nalang nakikinig sa lektyur ng guro na kadalasang nakakalimutan paglabas sa silid-aralan. Mahalaga ring isipin na ang mga gawaing itatalaga sa mga estudyante ay naaayon sa lebel ng kanilang pagkatuto. Ang mga maling sagot ng mga estudyante ay dapat harapin sa positibong paraan. Sa halip na sabihing “mali ang iyong sagot” na may halong pagpapahiya sa estudyante o kaya naman ay tatawag ng iba para sumagot, bakit hindi na lang tulungan ang estudyante na madiskubre ang kanyang kamalian at maitama ito. Sa ganitong paraan, mahihikayat ang estudyante na patuloy na makibahagi sa diskusyon at ito rin ang magpapataas ng tiwala nila sa sarili.

Pangangailangan ng mga estudyante ngayon ang matutuhan ang mga praktikal na math. Ang mgaralin ay dapat batay sa kung ano ang gagamitin ng mga estudyante sa pang araw-araw na pamumuhay. Lubos nilang matutuhan ang mga aralin kung sila’y mabibigyan ng mga gawaing magtuturo sa kanilang mag-isip, magsiyasat, magbigay ng kongklusyon at gumawa ng ebalwasyon.

Ang negatibong karanasan sa pag-aaral ng math sa klase at sa bahay ay kadalasang naililipat at nagiging sanhi ng di pagkaunawa nito. Ang math ay kadalasang naihahambing sa sakit sa pagkabigo. Halimbawa, ang mga di nabayarang bayarin (tubig, koryente, renta sa bahay atbp), mga di inaasahang utang ay mga negatibong karanasan na karaniwang inihahalintulad sa numero. Kinakailangan ng mga magulang na ipakita sa mga anak ang positibong pinanggagamitan ng numero, tulad ng sa pagluluto, pananahi, libangan, suweldo, atbp.

Dapat hikayatin ang mga estudyante na harapin ang math sa positibong pananaw para maibsan ang tensyon, pagkabalisa at takot sa math. Ang positibong pananaw ay may malaking impluwensiya sa pag-abot sa minimithing tagumpay. Ang humor sa pag-aaral ng math ay malaki rin ang maitutulong. Gustong-gusto ng mga estudyante lalo na ng mga bata ang “cartoons” at mga biruan. Puwedeng gamitin ang cartoon sa pagsisimula ng bagong konsepto o aralin sa klase. Mas madaling maunawaan at matandaan ang mga aralin kung maipipresenta ang mga ito sa kongkretong pamamaraan. Halimbawa, pagmanipula ng mga kongkretong bagay para ituro ang isang konsepto, paggamit o pagpapakita ng mga larawan, simbolo o modelo para mas lubos na maunawaan ang isang “abstract” na konsepto.

Sa kabuuan, ang “math anxiety” ay totoo at nararanasan ng maraming estudyante. Nangyayari ito sa kadahilanang hindi nabibigyan ng matamang atensyon at konsiderasyon ang iba’t ibang estilo ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Kinakailangan ng mga guro na rebisahin ang mga tradisyonal na paraan ng pagtuturo na kadalasang hindi nagtutugma ang mga metodolohiya sa estilo ng pagkatuto ng mga estudyante. Ang mga aralin ay puwedeng ituro sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ang bagong konsepto ay maaaring ituro sa pamamagitan ng pag-arte, paggugrupo, mgalarawan, modelo, at teknolohiya. Ang resulta kapag nakita ng mga bata na masaya ang pag-aaral ng math dadalhin nila ito hanggang sa pagtanda nila.